top of page
Eyti Banico

Kultong Huwad - Maikling Kuwento



Malakas na ulan ang sumalubong sa amin ng kaibigan kong si Anna sa paliparan ng NAIA. Pareho kaming sugatan at hirap sa paglalakad. Walang tao sa paligid, hindi ko alam kung paano kami nakarating dito. Basta ang alam ko, kanina lang ay natutulog ako nang mahimbing bago gisingin ng pag-yugyog ng aking kasama sa aking mga balikat.


Dahan-dahan kaming naglibot. Nakakatuwa sapagkat walang nagbabantay ng mga bilihan; malaya kaming nakakuha ng anumang gustuhin naming i-laman sa aming kumakalam na tiyan. Wala ring maririnig na ingay maliban sa yabag ng aming mga paa at boses ni Anna.


“Michael, sigurado ka bang wala na sila?” pagtatanong niya habang halata ang pagkatakot sa kaniyang mga mata. “Baka nandiyan sila, nag-aabang, naghihintay sa atin…”


Naguguluhan ako sa mga nangyayari. Hindi ko alam kung sino ang tinutukoy niya, o kung bakit hinahabol nila kami. Itinanong ko kay Anna kung ano ang nangyari, at mas lalo pa akong naguluhan.


“Mga taong naka-maskarang itim, Michael,” ani Anna. “May dala silang mga palakol at kadena. Papatayin nila tayo dahil… hindi ko alam. Basta, mainit ang tingin sa akin ang leader nilang naka-itim na damit at asul na sombrero.”


“Makakaligtas tayo, Anna,” pagpapalubag-loob ko sa kaniya. “Iyan ang pangako ko sa’yo.”


Maya-maya pa’y dumating ang grupo ng mga lalaking naka-itim na maskarang pinangungunahan ng tinutukoy na "lider" ni Anna. Agad kaming tumakbo sa kabila ng sakit at kirot na aming iniinda. Halos kaladkarin ko na ang aking kasama dahil di tulad ko, mahina ang kaniyang pisikal na katawan. Ang tanging nasa isip ko noong oras na iyon ay ang mailayo siya sa kanila.


Malalakas sila’t walang sugat kaya naman agad nila kaming inabutan. Laking gulat ko na lamang nang si Anna lang ang kanilang kinuha’t tinurukan ng kulay-berdeng likidong hawak ng isa sa mga kalalakihan.


Nagbagong-anyo si Anna. Naging berde’t nakakatakot ang kaniyang balat at pumangit siya nang sobra. Lumaki ang kaniyang mga mata at naging makapal at itim ang dating mapula at manipis niyang mga labi. Dahan-dahan siyang lumapit sa akin, tila ba ako’y kaniyang papatayin subalit kabaligtaran nito ang kaniyang sinasabi.


“Michael, ako ‘to, ‘wag kang matakot,” ani Anna na mas lalo pang naging nakakatakot ang itsura. “Mikey please… making ka naman.”


Lalong nagmakaawa si Anna subalit hindi ako pumayag na ako'y maisahan. May nakita akong kutsilyo sa may di kalayuan at agad ko itong hinablot, itinarak sa puso ng babaeng matagal ko nang mahal.


Unti-unting naglaho ang mga lalaking naka-maskara kasabay ng pagbagsak ni Anna. Gumapang ako patungo sa kaniya at unti-unting bumalik ang sa normal ang kaniyang itsura subalit nag-iba ang kaniyang mukha. Naging mukha ito ng kapatid kong si Alisa, at naka-handusay sa marmol na lapag ng aming kusina. Nakatarak pa rin ang kutsilyo sa kaniyang puso at tuloy-tuloy ang pagdaloy ng dugo mula sa sugat na nilikha nito.


Wala pang tao sa paligid, hindi ko alam kung paano kami nakarating sa kusina. Basta ang alam ko, kanina lang ay natutulog ako ng mahimbing bago gisingin ng pag-yugyog ni Alisa na inakala kong si Anna sa aking balikat.


Hindi, hindi ko talaga alam ang aking ginawa. Ang aking pagtulog ang tunay na may sala.


--WAKAS

160 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page